May kwentong watusi ako.

Noong bata pa ako, mga elementary siguro (hindi ko na maalala yung saktong taon), may isang trabahador na naglalaro ng watusi sa bahay namin. Eto yung bahay namin sa San Mateo dati na nilisan na namin. May repair shop kasi na umuupa sa harap at ang kuya dun na hindi ko na maalala ang pangalan ang nagwawatusi.

Bata pa ako noon kaya normal lang na gusto ko rin ng sarili kong watusi. Naglakas-loob akong humingi ng bente kay nanay at napagbigyan naman ako. Nagbike ako papuntang tindahan ni Tita Vinia para bumili ng isang kahon na watusi. Sa aking biyahe pabalik, may “umoberteyk” sa aking dalawang ale na tumatawa na parang mga mangkukulam. Siguro pinagtatawanan nila ang masigasig kong pagpadyak sa maliit na bike na dala ko. Malaki na kasi ako nun para sa maliit na bike pero maliit pa para sa malaking bike.

Pag-uwi ko sa bahay, aba nawawala ang watusi na binili ko. At dahil bata pa ako nun, syempre umiyak ako. Naawa tuloy sa akin si kuyang may watusi at binigay na lang niya sa akin yung kahon niya kahit bawas na.

Eto lang ang kwentong watusi ko.

P.S. Pakiramdam ko, nahulog ko yung watusi dahil mababaw lang ata ang bulsa ng shorts ko nun. Tapos napulot nung dalawang ale kaya ganun na lang sila makatawa.