Pangatlong araw na ngayon na walang kuryente. Pero dahil madaling-araw na ng Linggo, maaari na ring sabihing nag-uumpisa na ang pang-apat na araw na walang kuryente. At dahil walang kuryente, nahinto pansamantala ang aking pangkaraniwang buhay. Akala ko pa naman makakahabol na ako sa trabaho nung sinabing walang pasok ngunit hindi rin pala.

Sa ngayon, ako ay nakadapa sa kutson at sinusulat ito. Si Marte, si Pio, at si Red ay nasa may pintuan at nagbabasa ng manga ng Slam Dunk. May ilaw kasi dun dahil sa generator ng Future Point. Malas nga at hindi kaya ang isang unit. Ang iba pang natutulog dito na si Kyle at si Wigi ay umuwi sa kani-kanilang bahay kanina. Ako lang ang walang magawa kaya nagsusulat na lang ako dito sa dilim.

Bago ko kinuha itong yellow pad at ballpen, nakaupo ako kanina sa may bintana at nakatanaw sa labas. Pinagmamasdan ko ang mga gusaling may ilaw at iniisip ikaw. Tungkol sana sa iyo ang isusulat ko pero para maiba naman, tungkol na lang sa akin. Gusto ko rin naman malaman kung kilala ko ba ang sarili ko o hindi. Kaya eto na. Heto na.

Mga ilang katotohanan tungkol sa akin:

  • Ako ay masungit. (May kuryente na.)
  • Gustong-gusto ko si Juris.
  • Pangarap kong maging isang guro.
  • Madali akong mahulog sa isang babae.
  • Mahilig ako sa mga malulungkot na kanta.
  • Plano kong magtayo ng isang foundation.
  • Lagi akong gutom.
  • Hindi ako marunong makipagkaibigan.
  • At lalong hindi ako marunong manligaw.
  • Sawi ako sa pagsusulat.
  • Nagsusulat ako ng kanta.
  • Hilig ko ang paglalaro ng basketball at chess.
  • Marami na akong nagawang tula, kwento, at iba pa.
  • Ayoko sa mga taong walang pakialam sa iba.
  • Kung nagkakatotoo ang mga iniisip ko, marami na akong napatay.
  • At kung nagkakatotoo nga ang mga iniisip ko, ilang beses na ako muntik mamatay.
  • Bale wala sa akin kung matalino ka.
  • Kapag ayoko mamansin, hindi ako namamansin.
  • Gusto ko matutunan ang tamang paggamit ng katana.
  • Nanonood ako ng mga anime.
  • Kapag tahimik ako, huwag mo akong papakialaman.
  • Mahalaga ka sa akin kung maaari mo akong gambalain kahit tahimik ako.
  • Mas gusto ko makinig sa mga tao kaysa ako ang pakinggan ng mga tao.
  • Madalas kong isipin ang babaeng gusto ko.

Hindi ito kumpleto at maaari pang madagdagan kung kailan ko naisin. Kung sakaling may alam kayo sa akin, pakisabi na lang.

Isinulat nitong Linggo ng daling-araw, Oktubre 1, 2006.