Kanina ay nabanggit ni Ardee ang panahon na ako ay nag-hang. Mahigit tatlo o apat na oras akong nakatulala sa kawalan habang nakaupo sa bangko sa loob ng gusaling Casman. Siguro ay ngayon na ang takdang oras para malaman ng buong mundo kung ano ang nangyari at bigla akong nagkaganun. Bago ako magpatuloy, nais kong balaan ang mga mambabasa na napakababaw ng dahilan. Mababaw nga sya pero nung mga panahon na iyon, wala nang hihigit pa sa kanya.

Nag-umpisa ang kwento sa Chowking sa Quezon Avenue. Masaya kaming kumakain nun kahit na sobrang tag-tipid kami at lugaw lang yata ang nabili namin. Syempre, kwentuhan lang kami ng kung anu-ano habang kumakain hanggang sa makita kong alas-sais na pala. Hindi ko na maalala kung alas-sais talaga pero sabihin na nating alas-sais nga. Hindi alam ng mga kasama ko pero bago ako nagpuntang Casman ay nakausap kita at sinabi mong alas-sais ka pupunta. Dali-dali akong lumayas papuntang Casman dahil alam kong sarado ang pintuan nung opisina at baka nandun ka na at naiinip. Hindi ko man lang sinabi sa mga kasama ko kung bakit ako nagmamadaling umalis.

Kaya ayun. Nandun na ako sa bangko sa labas ng opisina ngunit wala ka pa. Akala ko ay parating ka na rin at nauna lang ako ng sandali kaya naupo na lang ako dun at di na bumalik sa Chowking. Habang lumilipas ang oras ay unti-unti akong nangarap. Mga pangarap na kasama ka ngunit hindi kailanman mangyayari sa katotohanan.

Dumating na ang mga kasama ko at wala ka pa. Kinausap nila ako ngunit nasa malayo na ang ulirat ko. Hinayaan na lang nila ako at pumasok na sila sa opisina. Matagal-tagal din ang lumipas at lumabas uli sila. Sinayawan nila ako ngunit nasayang lang ang kanilang paggiling dahil di ko sila pinansin. Kawawa naman sila pero ok na rin yun at na-praktis sila.

At lumipas pa ang mga oras na wala ka pa. Nag-aalala na rin ako kung ano na nangyari sa iyo. Bawat “ting” ng elevator ay umaasa akong ikaw na yun ngunit sa kasamaang palad, wala ka pa rin.

Hanggang sa makalipas ang tatlo o apat na oras. Nag-ting uli ang elevator at narinig ko ang boses mo. Ang pagkaka-upo ko nun ay nakatalikod sa elevator ngunit sa boses pa lang, alam ko na na ikaw yun. At may kasama ka. Si Ardee pala. Kasama nyo rin ata si Marte pero di ko na matandaan. Nagulat kayo sa pagkakatulala ko. Pumunta ka pa sa harap ko at yumuko para tumingin sa mga mata ko. Kinaway-kaway mo ang kamay mo pero di ko na nagawang kumilos. Kahit pa ganun, masaya na ako at nandun ka na.

Sa hindi ko malamang kadahilanan, di na ako nakatayo sa bangko na iyon. Dumating pa ang nanay at tatay ko para sunduin ako dahil tinawagan na ng mga kasama ko. Bago umuwi, binigyan pa kita ng sulat na may lamang paanyaya para mag-usap.

Nasa biyahe na kami pauwi nung tumigil kami sa Pizza Hut sa may Sta. Lucia. Bumili ang nanay ko at habang naghihintay ako sa sasakyan ay nag-text ako kay Kyle na ingatan ka nila sa pag-uwi mo. Nasigaw ni Kyle ang pagbabasa ng text ko kaya nalaman ng lahat iyon. Pasensya na kung naasar ka nila.

Tapos na. Natulala ako sa pangangarap at pag-aalala. Pasensya na sa abala.


Ardee Aram said…
Pagibig!
Tuesday, November 06, 2007 5:02:00 AM

Ardee Aram said…
Kasalanan ko pala to!! kasi dahil sa akin kaya kami 4 hours late! Hahahahahah!
Tuesday, November 06, 2007 6:18:00 AM

vanie castro said…
:)
Wednesday, November 07, 2007 1:01:00 AM

Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Gawan na natin ng pelikula yan. Background music ng scene na yan yung “One more time, One more chance.”
LOL. Kyle’s anomaly.
Wednesday, November 07, 2007 8:11:00 AM