Balak ko talaga isulat agad ito pero nawalan ako ng panahon. Kaya bago ko pa makalimutan, eto na. Eto na.

Umalis kami ng bahay ng lampas tanghali. Sayang at hindi kasama ang aking ate at ang aking diko. Mas masaya sana kung kumpleto. Sa Antipolo kami dumaan papuntang Laguna at dahil sa kakapuyat nitong mga nakaraang araw, nakatulog agad ako sa biyahe. Nung malapit na kami, lumihis muna kami ng daan upang kumain. Chowking din pala ang babagsakan namin. Parang hindi rin kami lumayo. Matapos pa ang ilang sandali, pumarada na kami sa Caliraya. Ang paradahan ay isang piraso ng lupa na nasa tabi ng man-made lake ng Napocor.

Para makapunta sa Caliraya Recreation Center, kailangan mong tawirin ang nakapaligid na man-made lake na pagmamay-ari ng Napocor. Ang lawang ito ay ginagamit para makagawa ng hydroelectric power. May libreng motor boat dun na naghahatid ng mga pasahero papunta at paalis ng center. Maaari rin rentahan ang bangka kung gusto mo solohin para maikot ang buong lawa na labing-limang kilometro ang layo ayon sa kanilang website. Meron ding nahihiram na mga kayak, canoe, at jetski.

Pagdating mo sa kabilang pampang, kaya na lakarin ang center pero kung marami kang bitbit, may libreng jeep na maghahatid sa iyo. Ilang sandali na pagsakay sa jeep ay nasa center ka na. Pagkatapos nun, kailangan mo lang magpatala at bayaran ang kalahati tapos ay maaari ka na pumunta sa kwarto na ibibigay sa iyo. Ang pagbabayad, sabi ng nanay ko, ay kalahating down payment na kailangan mong i-deposito sa bangko at kalahati sa panahon na ikaw ay magpapatala.

Pagkatapos mag-ayos ng mga gamit at ilang minutong pagpapahinga, lumabas kami ng aking mga kapatid upang maglibot-libot. Bumaba kami ng hagdanan na papuntang palaruan at nagkayayaang mag-tennis. Para makalaro, kailangan mong magpaalam sa admin at kanila nila itong ililista upang mabayaran bago umalis. Bumalik muna kami sa kwarto upang isama ang aming nanay at tatay. Sa aming pagbalik, dinaanan muna namin ang palaisdaan na pwede kang manghuli. Yun nga lang, parang wala akong nakitang isda.

Nasa taas na kami ng hagdan bago bumalik sa admin upang humiram ng mga gamit. Unang beses kong naglaro ng tennis pero nakapanood na ako sa malapit. Ok naman sya. Hindi nakakapagod kasi hindi kami makapagsalitan ng tama ng kapatid ko. Ayun. Matagal din kami nag-tennis. Ako at ang bunso. Ang nanay ko at ang bunso. Ang tatay ko at ang kuya ko. Habang naglalaro ang tatay ko at ang kuya ko, pinuntahan namin ang slip-n-slide. Akala ko kung ano na pero para lamang syang isang higanteng tarapal na nilatag sa gilid ng pababang lupa upang padulasan gamit ang tubig. Naupo na lang ako sa seesaw na swing tapos ay bumili na lang ng t-shirt at bumalik sa kwarto upang maghintay ng hapunan na inihahain sa ganap na alas-sais ng gabi.

At dumating ang hapunan. Ang pinakahihintay na sandali. Ang hapunan ay pasado at nakakabusog. Hindi tuloy lang ako nakabalik para makakuha pa. Pagkatapos kumain ay pumunta kami sa taas upang tanawin ang kapaligiran ngunit malas at patay ang mga ilaw at wala kaming makita. Pagbalik sa kwarto ay nagbasa na lang ako at ilang sandali pa ay nakatulog na.

Kinabukasan, ginising ako para mag-almusal. Baka raw kami maubusan. Gaya ng hapunan, masarap naman ang almusal. Ang tagal nga namin sa mesa dahil sa sobrang daming tinapay na kinuha ng aking kapatid. Bumalik kami ng kwarto pagkakain at nagpahinga. Matapos ang ilang sandali, nagbasta kami upang mag-canoe at mag-swimming.

Sa lawa, naghintay lang kami ng permiso mula sa admin sa pamamagitan ng radyo. Nung kami ay pinayagan na, sumakay na kami sa canoe upang libutin ang lawa. Ang kuya ko ang sasagwan sa harap at ang tatay ko ang sasagwan sa likod. Pasahero lang kami ng isa ko pang kapatid. Nung una, nakakatakot sya kasi hindi kami sanay. Hindi gaano makatakbo ng maayos ang canoe at kung saan-saan ang direksyon. Hindi nagtagal ay malayo na ang narating namin. Umabot kami sa isang dulo ng lawa na ang karugtong ay kalsada na. Binaybay namin yun at napadaan kami sa isang bagay na taga-sukat ata ng tubig. Galing dun ay lumapit kami sa bahay na nasa may pampang tapos ay lumusot sa mga maliliit na isla sa lawa bago tuluyang bumalik sa daungan. Sayang at wala kaming dalang camera sa pag-canoe. Kakaiba syang karanasan na hindi kaya ilahad gamit ang mga salita.

Pagbalik sa lupa ay dumeretso kami sa swimming pool at naligo panandali. Malapit na rin mag-tanghali nun kaya umahon na rin kami sa tubig. Bago bumalik sa kwarto ay naglaro muna kami ng kuya ko ng basketball. Unang beses ko yun naglaro pagkatapos ng mahabang panahon. Napakasaya dahil matagal ko na rin gustong maglaro at sa wakas ay natupad na. Nagkaroon pa kami ng maliit ng 3-point shootout na kung saan tatlong tira sa limang pwesto sa 3-point line ang patakaran. Kinakalawang na talaga ako at apat lang ang napasok ko.

Sa pagkakaakala na malapit na mag-12 ay bumalik na kami sa kwarto. Matagal pa pala mag-12 pero ok na rin kasi kailangan na naming maghanda para umalis. Pagsapit ng tanghalian ay muli kaming kumain at gaya ng mga naunang pagkain, ito ay masarap. Taliwas sa loob ang nangyayari sa labas. Pumapasok na nga ang fog sa awang ng mga bintana e. Ilang sandali pa, pagkatapos ayusin ang lahat sa admin, lulan na uli kami ng jeep palayo sa center. Matapos ang maikling pagsakay, nasa motor boat na kami at papunta na sa paradahan.

Sandali lang ang nilagi namin sa Caliraya Recreation Center pero ok na rin. Malayo lang kahit minsan sa mundong aking ginagalawan sa kabihasnan.


Diwa del Mundo said…
Wow. I wish I can also go and have a vacation at the Caliraya!
Sunday, November 05, 2006 1:53:00 PM