Eto na naman.

Napansin ko lang na nitong mga nakaraang araw (o linggo na ba ang inabot?) na hindi na tayo nakakapag-usap gaya ng dati. Ano ba ang nangyari at nagkaganito? Nagkakasawaan na ba tayo? O abala lang ba tayo sa kanya-kanyang gawain? O di kaya ay marami lang tayong iniisip? Nakakahilo isipin at hindi ko alam ang mga kasagutan.

Malamang sa ating dalawa ay ako lang ang nakakaisip nito. Sigurado ako na ni minsan ay hindi mo naisip na nagkakalayo na tayo. Ay mali. Hindi naman pala tayo naging malapit sa isa’t-isa kaya syempre hindi tayo magkakalayo. Ang ibig ko lang naman sabihin ay kahit papaano ay marami na rin tayong napag-usapan tapos ngayon ay hindi na tayo gaano nakakapag-usap ng ganung kalalim at katagal kaya nasabi ko yun.

Siguro may problema lang ako kaya pinoproblema ko ito. O baka naman ito na mismo ang problema ko. Gaano karami ba ang mga matinong tao na gumagawa ng problema mula sa wala? Hindi naman talaga dapat binibigyang pansin ang mga ganitong bagay. Walang kabuluhan. Walang katuturan. Parang hindi lang tayo gaano nakakapag-usap e pinapalala ko na ang sitwasyon. Ang labo ko.

Sa aking sariling opinyon, ako ang nagbago. Ako ang may kasalanan kaya ako nagkakaganito. Baka nami-miss na kita. O kaya naman, baka iba na ang aking nararamdaman sa iyo ngayon kaysa dati. Ayoko isipin pero baka totoo yung dalawa. Natatakot ako kapag lumalapit na ako sa paksa na yan sa tuwing ako ay nag-iisip. Pero minsan, mahirap iwasan ang paksa na yan. Lalo na sa tuwing nakikita kita. Sa tuwing ngumingiti ka. Sa tuwing nagsasalita ka. Sa tuwing naiisip kita.

Sana ay hindi na ako matakot. Sana ay hindi na ako matakot na aminin sa sarili ko na marahil ay may gusto ako sa iyo.


vanie castro said…
aminin na kasi. huwag nang itanggi. :)
Wednesday, November 29, 2006 3:30:00 PM