Si Aida.

Nakapag-usap na tayo kahit hindi pa tayo nagkikita sa personal. Iba ang pagkakalarawan mo sa akin kaya nagulat ka nung nagkaharap na tayo. Pagkatapos ng tagpo na iyon, napadalas ang ating pag-uusap. Kahit ano lang ang ating naging mga paksa pero mas naging madalas ang tungkol sa mga teknikal na bagay dahil na rin sa ating proyekto. Kahit papaano, naging malapit din tayo sa isa’t-isa.

Ngayon, hindi na tayo nakakapag-usap. Minsan, naaalala ko ang mga araw at gabi na ako ay iyong kinukulit. Hindi ko sa iyo nasabi pero may mga panahon na naiinis ako sa mga tanong mo kasi napakababaw naman. Pero kahit ganun, napapasaya mo lagi ako sa iyong mga pagpapa-cute. Ayun.

Si Lorna.

Hindi mo pa ako kilala ay marami na akong nasagap na balita tungkol sa iyo. Maraming may gusto sa iyo at ang ilan sa kanila ay nakakakwentuhan ko. Ang unang pm ko nga sa iyo ay dahil tinangka kong asarin ang isang may gusto sa iyo. Matapos yun at isang sobrang ikling pag-uusap, bigla na lamang akong nagulat dahil nag-pm ka pagkatapos ng sobrang habang panahon. Napunta rin sa kung anu-ano ang ating pag-uusap.

Sa inyong tatlo, ikaw na lang ang nakakausap ko. Hindi madalas pero hindi rin madalang. Tama lang para hindi kita hanapin. Minsan masaya usapan natin at minsan naman, ito ay malungkot. Alam ko darating din ang panahon na hindi na tayo magpapansinan kaya pagpasensyahan mo na kung minsan nagugulo na kita. Sana matagal pa mangyari yun kasi siguradong mami-miss ko ang pagtawag mo sa akin ng “Waldy”.

Si Fe.

Napansin kita dahil sa iyong pagsagot ng isang takdang-aralin sa harap ng klase. Hindi ko alam kung nagkagusto ako sa iyo nun pero kung ano man ang naramdaman ko nung mga panahon na iyon, ito ay sinigurado nung nakita kita muli sa isang pagpupulong para sa isang programming contest. Pinawi mo lahat ng pagdududa ko. Gusto na kita mula nung araw na iyon.

Pagkatapos nun, natagalan pa bago tayo nagkausap. Sinabi ko dati na hindi ko sa iyo aaminin na gusto kita. Hanggang ngayon, hindi ko pa nasasabi. Kung anu-ano rin ang napag-usapan natin. Masaya na ako sa ganun. Nakakausap ko ang babaeng gusto ko. Sa kasamaang palad, maraming bagay ang nangyari na nagpalayo sa iyo sa akin.

Matagal na kitang hindi nakakausap. Hindi ka na rin tumutugon sa pm o sa txt. Hindi ko na alam ang nangyayari sa iyo. Sa paglipas ng mga buwan, napagdesisyunan ko na magtapat na sa iyo. Pero mukhang ayaw ako pagbigyan ng tadhana. Sana hindi ako mauwi sa pakikipaglaro sa mga pusa.

Pasintabi sa gumawa ng awitin na kapareho ng paksa.


XXXX YYYY said…
grabe na ito… artista talaga ang dating…
Sunday, September 03, 2006 11:06:00 AM