Hindi ko alam kung kilala ko talaga ang sarili ko pero sa tingin ko naman ay kilala ko kahit papaano. Sa katunayan, alam ko na ang pamumuhay ko ay may pagkasimple. Kung ano lang talaga ang mga kailangan ko ang meron ako. Siguro ang kalabisan lang sa mga pagmamay-ari ko (pagmamay-ari raw o) ay mga libro at mga CD/VCD. Dun lang napupunta ang pera ko kung sakaling may sobra. Tsaka syempre sa mga masasarap na pagkain. Masarap kumain e.

Isa sigurong dahilan at naging ganito ako ay ang madalang kong pagtanggap ng mga regalo nung bata pa ako. Linawin ko lang na okay lang sa akin ito. Hindi naman ako nagtatampo o kung ano man. Naisip ko lang na baka may kinalaman ito sa paghubog ng aking pagkatao.

Isa sa mga naaalala kong regalo sa akin noon ay isang kahon ng tsokolate. Ito ay hugis parihaba at siguro kasing-laki ng isang laptop. Ang sarap sana nun. Sa aking pagbukas, naguluhan ang aking murang pag-iisip na sa halip na mga tsokolate, mga sando pala ang laman.

Hindi ko na maalala ang aking reaksyon noon pero ngayong naaalala ko, ako ay natatawa na lang. Hehehe.

Hindi ko akalain na may matutuwa sa kwento kong yun. Imbes na sando sa loob ng tsokolate, nakatanggap ako ng tsokolate sa loob ng sando! Osom!

Sandosenang Tsokolate

Bihira man ako makatanggap ng mga regalo, marunong naman ako magpahalaga. Kaya para hindi ko makalimutan, eto ang listahan ng sandosenang tsokolate para sa pasko na mula kina Hopiang Paminta at Malayang Puno: 1 na M&M’s na milk chocolate, 6 na chocolate gold coins, 3 na kisses, at 2 na flat tops. :)

Maraming salamat, Hopiang Paminta at Malayang Puno!