Dati pa ako nagsusulat. Tula, kwento, kanta, komiks (kahit hindi ako marunong gumuhit), at iba pa. Ang pagsusulat ang isa kong gawain nung ako ay bata. Kapag hindi ako naglalaro mag-isa ng basketbol sa kainitan ng araw, kapag hindi ako nagbibisikleta mag-isa sa ginagawang subdivision, kapag hindi ako nagpapatintero kasama ang mga kapwa bata sa kapaligiran, at iba pang mga karaniwang ginagawa, ako ay nagsusulat. Minsan sa taas ng puno at minsan naman ay hindi.

Hindi ako magaling magsulat. Nalaman ko yan nung nasa ika-anim na baitang ako sa elementarya. Sumali ako sa club na gumagawa ng aming school paper. Nagbigay pa nga ako ng isang tula. Pero hanggang dun lang. Hindi nailathala ang aking tula. Hindi ako nakapagsulat para sa aming papel.

Hindi naman ako nagtatampo. Sinusulat ko pa rin naman ang mga nais kong isulat. Pero ako lang ang nagbabasa. Kaya hindi ko talaga alam kung anong meron sa mga sinusulat ko. Nung nasa elementarya ako, ang madalas kong paksa ay mga tauhan na naglalaban at nagpapatayan. Malaki ang impluwensya ng Ghost Fighter at Dragon Ball. Kung anu-anong “spiritual” na kapangyarihan ang aking mga inimbento. Kasabay nun ang paggawa ko ng limpak-limpak na bida at kalaban. Nag-iba ang aking paksa pagdating ko ng high school. Puro tungkol sa pag-ibig. Hindi na dapat ako magpaliwanag.

Sa kasamaang palad o hindi, depende sa pananaw ng titingin, nalulong ako sa computer pagdating ko ng kolehiyo. Dahil dito, naapektuhan ang aking pagsusulat. Nais ko itong mabago. Gusto ko uli magsulat. At para magawa ito, gagawa ako ng isang blog sa hindi alam na lugar dito sa Wired. Titignan ko kung mapagtatagumpayan ko ito. Kapag nangyari yun, ipapamalita ko ang URL agad. Kapag ako ay nabigo, hindi ko na ipapaalam pa.


Maria Gerardina Bulanon said…
naniniwala ako na hindi kailangang magaling ka sa isang bagay para magawa ito nang mabuti. ang mahalaga ay dahil sa ito’y malapit sa puso mo kaya nakapagpapasaya sa yo na pagbuhusan ito ng panahon.
natutuwa ako para sa yo sapagkat muli mong nasumpungan ang isang bagay na minsang nawaglit sa yo. good luck sa secret blog mo. :)
Saturday, January 20, 2007 9:51:00 PM

Diwa del Mundo said…
Mabuhay!
Sunday, January 21, 2007 9:19:00 PM

XXXX YYYY said…
ano daw?
Tuesday, January 23, 2007 10:14:00 AM