I

Ako ay napag-iwanan na. Malayo ka na at narito pa rin ako. Kung saan-saan ka na napunta at kung anu-ano na ang nagawa mo subalit narito pa rin ako at parang inaalikabukan na. Binaon mo na ako sa limot kahit hindi mo pa sinasadya yun. At wala akong magawa dahil hindi naman ako naging mahalaga sa iyo. Hindi ako naging mahalaga sa iyo kahit naging mahalaga ka sa akin. At hanggang ngayon, wala pa ring nababago sa pagpapahalaga ko sa iyo.

Nakakapanghinayang at hindi ko sa iyo nasabi ang nilalaman ng aking puso’t isipan. Sinayang ko ang mga pagkakataong binigay sa akin ng tadhana na mapalapit sa iyo. Kung anu-ano lang ang mga nasabi ko sa iyo noon at sigurado ako na wala ka nang natatandaan ni isa sa mga yun. Sinubukan kong alagaan ka ngunit hindi ko ito naipakita. At bago pa ako may masabing mahalaga, ikaw ay humayo na at tuluyang sinipa ako sa mundo mo.

II

Ako ay napag-iwanan na. Hindi naman tayo sabay nag-umpisa ngunit inunahan mo na ako at iniwanan. Napakalamig ng iyong huling mensahe at kulang na lang ay sampalin mo ako. Mas maigi pa nga ata na sinampal mo na lang ako kaysa sabihin pa iyon. Alam ko na kasalanan ko iyon dahil binalaan mo na ako ngunit hindi kita sinunod. Pero kahit nagkaganun na ang sitwasyon, inaasam-asam ko pa rin na makausap ka muli. Mawala na sana ang takot ko sa iyo.

Maganda ang umpisa ng pag-uusap natin. Sa sobrang ganda nga ay inakala ko na magiging magkaibigan tayo. Sobrang gaan ng loob ko sa iyo at kahit ano ay nagagawa kong sabihin. Hanggang ngayon ay hindi ko alam kung bakit mo ako kinakausap dati at isa yun sa mga hindi ko nagawang itanong sa iyo. At umabot nga ako sa punto na naisip kong sabihin sa iyo ang bagay na iyon. Ang bagay na iyon na naging sanhi ng pagkatakot ko sa iyo.

III

Ako ay napag-iwanan na. Dati ay madalas tayong mag-usap ngunit hindi na ngayon. Ibang-iba na ang iyong mga kilos at pananalita. Parang hindi ko na makita sa iyo ang nakilala ko noon. Iba na ang mundong ginagalawan mo at sadyang hindi ko kayang sabayan yun. Malamig na ang mga sagot mo sa tuwing susubukan ko na ikaw ay kausapin kahit sobrang dalang pa nun. Siguro ay namumuhi ka lang sa sarili mo dahil sa mga nangyari noon.

Nakakatawa kung iisipin na hinahanap-hanap ko pa rin hanggang ngayon ang dating ikaw. Hindi ko pa rin matanggap na baka hindi na magbalik pa ang hinihintay ko. Sadyang hindi ko pa rin maialis sa aking isipan ang mga posibleng pangyayari kung sakaling hindi ako nagkamali. Kung sakaling naging totoo lang ako sa sarili ko. Ngunit tapos na ang lahat. Hindi na maibabalik pa ang nakaraan. Wala na ang dating ikaw at nananaginip na lang ako ng gising.


Miss Bea C said…
sadness. sadness..
Friday, September 14, 2007 8:16:00 AM