Naaalala ko nung bata pa ako, madalas akong nasa tuktok ng puno ng duhat namin. Kunwari raw isa akong piloto at ang puno ng duhat ang spaceship. Maganda kasi ang hugis ng puno na iyon. Para syang tatsulok at pag nasa tuktok ka, halos wala ka nang magalawan. May mga sanga na maaaring maging upuan. Ang ibang sanga ay maaari maging manibela. Yung iba pang sanga ay mga pindutan. Sa tuktok na iyon ko sinasagupa ang mga kalaban. Minsan, bumababa ako sa isang sanga na mukhang motorsiklo. Sinasakyan ko at kunwari ay tinutugis ko ang mga kalaban at pinapaslang. Ang ilang sanga ay ginagawa kong tambayan. May mga sanga na maaari mong higaan. Ang ilan sa mga sanga na iyon ay naging saksi sa aking pagsusulat nung bata pa ako.

Minsan, umaakyat ako sa bubong ng bahay namin. May dalawang akyatan ako noon. Ang puno ng bayabas na nasa tapat ng banyo at ang puno ng santol na nasa may tindahan. Mas madaling umakyat sa bubong kapag sa puno ng bayabas ka dadaan kasi mas matibay daw ang mga sanga nito at mas malapit ito sa bubong. Hindi ko maalala kung nakaakyat ako sa bubong namin gamit ang puno ng santol pero sa tingin ko ay kahit minsan nakaakyat ako dun. Kapag nasa bubong na ako, maingat kong nilalakaran ang parte na may mga pako. Madulas kasi yung mga wala at malambot pa. Baka masira pa. Isa pa, mas tahimik lakaran ang parte na may mga pako. Hindi ako naririnig at hindi ako napapagalitan. Paikot-ikot lang ako sa bubong namin. Minsan, tumatalon ako galing bubong hanggang lupa dahil mas madali bumaba kapag ganun.

May indian tree kami sa harap ng bahay na mas mataas pa sa mga poste ng Meralco. Iyon lang ang tanging puno namin na hindi ko naakyat. Bata pa kasi ako noon at syempre nakakatakot akyatin ang ganung kataas at kakitid na puno.

Malapit sa indian tree ang isang puno na hindi ko alam ang pangalan. May ilang palapag na sanga rin ang puno na ito at masarap din maglaro rito. Ang puno na ito ay katabi ng pader namin. Sa kabila ng pader ay may lubak na napupuno ng tubig kapag tag-ulan. Ang masayang parte sa puno na ito ay may mga sanga sya na lampas sa pader. Nakakatakot man, umaabot pa rin ako sa mga sanga na iyon. Ang puno na ito ay kinabitan namin ng ring na maliit. Minsan napupunta sa kabilang pader ang bola at ginagamit namin ang mga sanga nito upang gawing gabay sa pagsungkit.

Ang isa pang masarap paglagian ay ang puno namin ng makopa. Nilagyan namin ito ng mga kahoy at supot ng semento upang gawing treehouse. Maganda ang pagkakatubo nito dahil may apat syang sanga para maging apat na sulok at may isa pang sanga sa gitna. Sa tabi ng makopa ay may swing na gawa sa gulong ng truck na masarap sakyan. Minsan, binalak namin matulog dito sa gabi ngunit kami ay nahuli at napagalitan.

Ang ilang puno namin gaya ng kakaw, indian mango, langka, aratiles, at iba pang hindi ko alam ang pangalan ay kahit papaano ay napuntahan ko rin at nalagian. Sana wala na akong nakalimutan. Ang mga puno na ito ang aking naging kalaro nung bata pa ako.