Maligayang kaarawan! Kilala mo pa ba ako? Sana oo. Ikaw, madalas ka pa rin sa isipan ko. Naaalala ko pa rin ang mga sandali na kahit papaano ay nakakausap kita. Kahit papaano ay nakakapiling kita. Kahit gaano pa kaikli ang mga sandaling iyon, naging sobrang halaga nila sa akin. Totoo yun. Nagpapasalamat ako sa iyo dahil sa mga iyon.

Pero lahat ng bagay ay nagbabago. Kaya nung dumating sa punto na kinailangan na magbago ang buhay mo, sa kasamaang palad ay hindi ako nasama. Naiwan akong nag-iisa sa mabilis na pag-ikot ng iyong mundo. Bigla na lamang naputol ang lahat ng mga bagay na nag-uugnay sa ating dalawa. Ngunit kahit nagkaganun, nakatabi lang sa aking kompyuter ang lahat ng ating naging mga usapan sa IM at sa SMS. Kahit kailan ko gustuhin, nababalikan ko ang nakaraan. Ngayon na muli kong nabasa ang mga napag-usapan natin, sobrang nalungkot ako. Kung anu-ano pala ang nasabi ko. Hindi man lang karapat-dapat na ilagay dito.

Ngayon ay ang iyong kaarawan, paumanhin sa muli kong pagpaparamdam. Maligayang kaarawan at paalam. Ito na ang magiging huli kong pagtapak sa iyong mundo. Panahon na siguro upang palayain ko ang sarili ko sa seldang ginawa ko na ang apat na pader ay may sarili kong ilusyon ng iyong pagkatao.

Hindi na ako aasa na magbabago pa ang itinakda kong paglisan sa iyong mundo. Hindi mo rin naman mapapansin. Hindi mo rin naman ako hahanapin. Kung mapaglalapit lang sana tayo ng mga salita. Kung magbabago lang sana ang tadhana. Pero tama na ang aking drama. Hindi ko na dapat sabihing mahal kita. Basta masaya ka, masaya na rin ako.

Maaaring hindi ko masabi ang mga tamang salita upang ikaw ay maging masaya ngunit laging handa ang aking mga tainga na pakinggan ang iyong mga saloobin. Huwag kang mag-alala, atin-atin lang yun. Pero kung ayaw mo, ok lang naman sa akin. Hindi kita pipiliting kausapin ako. Hindi kita gagambalain. Hindi lang naman ako ang taong nag-aalala sa iyo na maaari mong lapitan. Ang sa akin lang, sana mahanap mo na ang tunay na kaligayahan. Tama na ang mga pasakit na nararamdaman mo. Nasasaktan na rin kasi ako.

Hindi naging maganda ang kinalabasan ng post na ito. Hindi ganito ang ninais ko sa iyong kaarawan. Kaya bago pa lalong lumala, titigil na ako. Hanggang dito na lang, maligayang kaarawan!