Tapos na ang sem at isang exam na lang ay tapos na ang buhay ko bilang mag-aaral sa UP naming mahal kaya panahon na naman para mag-drama.

Sa buong panahon na inilagi ko sa UP (5 years and 1 sem) ay ngayon lang ako nakaranas na makakuha ng mga matataas na marka sa mga exam. Ngayon ko lang sinubukan na seryosohin ang pag-aaral at kitang-kita naman ang resulta. Payagan nyo na ako magyabang at ngayon ko lang nadiskubre na maganda rin pala sa pakiramdam ang ganung bagay. Kaya napaisip din ako, ano kaya ang nangyari kung nagseryoso ako sa pag-aaral simula pa lang ng kolehiyo?

Kung nagseryoso lang ako sa pag-aaral, maaaring nasa isang malaking kumpanya na ako ngayon. Nagtatrabaho simula umaga hanggang gabi sa isang parisukat na hawla. Nakikipagsiksikan at nakikipag-amuyan araw-araw sa mga katabi sa mga pampublikong sasakyan. Limitado ang pagkilos sapagkat may boss na sinusunod kaya hindi pwedeng gumawa ng mga hobby projects kung kailan man gustuhin. Ang mga pangyayari na kagaya nito ang nagpapaalala sa akin na mabuti na lang at ginawa ko ang mga ginawa ko sapagkat malamang ay hindi ko kakayanin ang ganyang buhay.

Kung nagseryoso lang ako sa pag-aaral, baka isa na akong guro sa UP. Huwag na natin pahabain kagaya nung sinundan nitong talata. Ang posibilidad na ito ang kumukutya sa akin na dapat talaga ay nagseryoso agad ako sa pag-aaral.

Syempre, hindi ko na maibabalik ang nakaraan. Wala rin naman akong pinagsisisihan. Marami akong natutunan sa landas na aking tinahak at masasabi ko na mas magaling ako sa iba dyan, kung sino man dyan ang tamaan, kahit na mahirap pa itong mapatunayan at wala rin naman akong sapat na ebidensya.

Ano na ang mangyayari sa akin? Hindi na ba ako makakapagdrama dahil nagtatrabaho na ang dalawa at nag-aaral pa ang isa at wala na ni isa sa kanila ang nasa mundo ko? Ano na ba ang mundo ko? Tambay na lang sa bahay?

Nadiskubre ko ang kasayahan sa pag-aaral at balak ko iyon ituloy. Hindi ako tatambay, mga magigiting na mambabasa. Sa halip na gawin yun, ako ay mag-aaral muli. Tama. Ako ay magma-masters. May magre-recommend kaya sa akin? Tatanggapin kaya ako? Yan ang mga katanungan na dapat antabayanan ang sagot.

At kung anu-ano na ang nasabi ko. Partida pa yan at hindi pa ako nakakapag-Slurpee.


Jobelle Avengoza said…
mag-asawa ka na kasi. wahaha
Wednesday, October 10, 2007 12:54:00 PM

Jobelle Avengoza said…
ganyan ang mga walang girlfriend e
Wednesday, October 10, 2007 12:54:00 PM

imee L. said…
:) wal im proud of u. at ndi ka nagiisa. un lang ang masasabi ko :)
Wednesday, October 10, 2007 4:48:00 PM

Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Yown! Game time na!
Wednesday, October 10, 2007 9:29:00 PM

RJ Arce said…
O, libre mo na kami slurpee.
Friday, October 12, 2007 11:26:00 AM

Luis Pugoy said…
oo na wally, alam ko namang mas magaling ka sa akin. di mo naman kailangang ipagbulyaw sa ibang tao.
Wednesday, October 17, 2007 9:25:00 PM