Tanong: Anong sinabi ni Nelly kay Kelly nung biglang nag-brownout?
Sagot: Dilem a.

Hindi sa akin galing ang joke na yan. Narinig ko lang dati. Nabanggit ko lang kahit walang kinalaman sa post na ito. Ano nga pala ang tama, dilemma o dilemna?

Ako ay naguguluhan. Oo, ang gulo talaga. Hindi ko na nga maintindihan sarili ko ngayon e. HIndi ko pa maalala kung ano ang tamang paggamit ng “ng” at “nang”. At maya-maya, titignan ko kung online ka at malulungkot kapag hindi. Tapos iisipin ko kung ano ang aking gagawin. GCL o OJM? OJM ba talaga tawag dun o MPS? Ang gulo-gulo.

Ang sabi ko sa sarili ko ay hindi kita gusto. Pero sabi ng mga tao, gusto kita. Minsan nga, gusto ko na maniwala sa kanila na gusto kita. Ngunit ayoko. Ayokong magkagusto sa iyo. Ayoko talaga. Ayoko. A-yo-ko. Sandali, tignan ko lang kung online ka na. Hindi pa rin. O hindi ka na mago-online? Sige, wag na. Ok lang. Wala naman akong gusto sa iyo. Bakit nga ba kita inaabangan? Ang labo.

O sige sige. Malinaw na hindi kita gusto. Pero bakit? Maraming nagtatanong kung bakit. Ay hindi pala iyan ang tinatanong nila. Ang kanilang tinatanong ay kung bakit ayaw ko magkagusto sa iyo. Kapag pinag-iisipan ko yan, wala akong maisip na magandang dahilan. Pero kailangan ko talaga kumbinsihin, hindi lang ang sarili ko, kung hindi pati ang lahat na wala akong gusto sa iyo. Wala talaga.

Iniisip ko tuloy kung darating ba ako sa punto na kailangan kong bawiin ang mga nakasulat dito. Kapag dumating ba iyon ay dapat mo bang malaman? Dapat mo bang malaman na gusto kita? Dapat mo bang malaman na masaya na ako basta masaya ka? Dapat mo bang malaman na nasasaktan ako kapag kinekwento mo ang mga nangyayari sa inyo na ikinalulungkot mo? Dapat mo bang malaman na natututo na ako magsinungaling?

At isa na namang walang kwentang post ang dumaan sa lugar na ito.


Tonio SM said…
Mahal mo siya Ramedlaw. Hindi mo siya gusto. MAHAL MO SIYA.
Friday, October 20, 2006 11:34:00 AM