Meron akong dalawang pangarap dati. Pero bago pa may magtanong ay sasabihin ko na na hindi sila natupad. Ano ang dalawang pangarap? Nasa baba ang kasagutan.

Nung tumuntong ako sa kolehiyo, nawala ang kapaligiran ko dati sa high school na “Section 1”. Yun bang inaasahan ng mga guro na dapat ay mataas lagi ang mga marka mo sa lahat ng mga asignatura o kaya ang manalo sa mga patimpalak na isinasali ka o kaya ang simpleng pakiramdam na dapat ay angat ka sa nakararami. Bagamat hindi naman gaano nagbago ang estilo ng aking pag-aaral ngayon kumpara dati, kahit papaano ay sumasagot pa rin ako ng mga takdang-aralin nung high school o nag-aaral para may masagot sa mga pagsusulit. Ngayon sa kolehiyo, natuto akong tanggapin na nasa gitna lang ako. Tres kumbaga at hindi uno o singko. Hindi ko na pinagpipilitang iangat ang aking antas sa pamamagitan ng pag-aaral sapagkat naging kuntento na ako kung nasaan ako. Masasabi rin na wala na akong inspirasyon upang makakuha ng mas mataas na marka kumpara sa mga nakukuha ko ngayon.

Makalipas ang dalawang taon, nagkatagpo ang ating mga landas. Habang tumatagal unti-unting nabubuo ang isang pangarap. Habang nakikilala kita at habang mas nakikita ko ang iyong kakayahan lalo itong tumitibay. Para sa akin ang pangarap kong ito pero malaki ang iyong bahagi rito. Gusto kong makapagtapos sa itinakdang panahon. Bukod sa makakatulong ito sa aking mga magulang kasi hindi na nila ako papag-aralin pa, makakatulong din ito sa akin kasi wala na sa pag-aaral ang aking pag-iisip. Subalit higit sa mga magagawa nito sa akin, mas naging dahilan ko ikaw. Gusto kitang makasabay. Gusto kong makita na ikaw ang tawaging “class valedictorian” o yung pinakamahusay sa lahat ng magsisipagtapos.

Naniniwala ako na kaya mo iyon. Naniniwala talaga ako. Madalas kitang pagmasdan sa malayo lalo na kapag may klase at kapag may pagsusulit. Minsan, lumilipas ang mga minuto na hindi ako sumasagot sa aking papel upang titigan ka lang. Namamangha ako kung paano mo naitatama ang karamihan sa mga tanong. Gusto kitang tularan pero dala ng nakasanayan ko na sa una at pangalawang taon ko sa kolehiyo, hindi ko na nagawang muling pagbutihan ang aking pag-aaral. Hindi ko na kaya pero ikaw kayang-kaya mo.

Hindi lang sa pag-aaral kita napagmasdan. Nasaksihan ko rin ang mga sandaling ikaw ay masaya o kaya ay subsob sa trabaho at pag-aaral. Hindi ako nagsasalita pero minsan nararamdaman ko ang nararamdaman mo. Nakikita ko na kahit hindi mo na kaya ay tuloy ka pa rin sa mga ginagawa mo. Kahit bagsak ka na at nais na matulog, kayod ka pa rin. May mga dahilan ka at yung iba ay nasabi mo sa akin at dahil sa mga nakita at nalaman ko, nabuo ang isa pang pangarap. Ang pangarap na ito ay para sa iyo. Gusto kitang mapangiti. Ngiting totoo. Hindi yung binibigay mo para sabihing kaya mo pa. Hindi yung walang buhay. Ang nais kong makita ay ang ngiting nagpapakislap sa iyong mga mata. Ang ngiting dalawang beses ko palang nakita.

Isa sa McDonald’s Philcoa at isa sa ika-apat na palapag sa Engineering. Dalawang lugar kung saan ko nakita ang ngiti mo. Ang ngiti mo na sinubukan kong ibalik sa iyo. Ang ngiti mo na nagbibigay sa iyo at sa paligid mo ng kakaibang ganda. Ang ngiti mo na pinangarap kong makita lagi sa mga labi mo. Ang ngiti mo na walang kasiguraduhang makikita ko pa uli.

Maraming tao ang may pangarap. Nagkaroon ako nung nakilala kita. Ang pangarap na makasabay ka sa pagtatapos at ang pangarap na mapangiti ka kahit minsan ay pareho kong hindi natupad. Hindi na muna ako mangagarap.