Ang post na ito ay hindi tungkol sa babae.

Nung Biyernes, Agosto 18, 2006 naganap ang mga kabulilyasuhan na aking ilalahad. Hindi ko alam kung may salitang “kabulilyasuhan” pero ginamit ko pa rin at gagamitin ko pa kaya pagbigyan nyo na lang ako. Kung napansin nyo, “mga kabulilyasuhan” ang aking nilagay. Tama yun dahil hindi lang isa ang nangyari. Nilagay ko lang sa paksa ang Equitable PCI Bank dahil pinakamalala ang nangyari dun.

Unang bulilyaso, McDonald’s Panay Avenue corner EDSA.

Dumating ako ng mas maaga kaysa sa napagkasunduang oras upang makuha ang isang tseke. Ako ay naupo kasama ni Ronald sa isang bangko at naghintay. Pagkatapos ng matagal-tagal ring pagpapalipas ng oras, dumating si Diwa at si Wigi ngunit wala pa rin ang aming katagpo na may tangan ng tseke.

Sapagkat tanghali nun, naisipan naming kumain muna. Pumasok na kami sa loob at bumili ng pagkain. Aba at akalain mo na habang kami ay kumakain, dumating na pala ang aming kausap. Ngunit sa kasamaang palad, sya ay hindi pumasok sa loob at hindi naman namalayan ni Diwa na sya pala ay tinatawagan. Umalis na sya at kami ay napilitang humabol.

Pangalawang bulilyaso, Wendy’s Boni.

Kami ay sumakay na sa sasakyan ni Diwa at nag-umpisang baybayin ang EDSA patungo sa Boni. Habang nasa biyahe, aming nililingon ang mga sasakyang nalalampasan at nagbabakasakaling matagpuan ang kausap.

Dumating kami sa paradahan ng Wendy’s sa Boni ngunit hindi nakita ang kausap. Naghintay kami sandali at dahil wala pa rin, nag-txt na kami. Ang tugon na aming natanggap ay nasa isang gusali raw sya na malapit sa Boni.

Pangatlong bulilyaso, isang gusali sa Guadalupe.

Muli naming binaybay ang EDSA sa paghahanap sa gusali na iyon. Nasa tulay na kami ay hindi pa rin namin nahahanap ang gusali na malapit raw sa Boni. Mabuti na lang at pagkatapos ng ilan pang sandali ay natanaw na namin ang gusali na sinabing katabi nung gusaling hinahanap namin. Natuwa pa kami dahil ang hinahanap pala naming gusali ay napuntahan na namin dati.

Sa aming pagparada sa labas ng gusali, nakatabi pa namin ang sasakyan ng aming hinahabol. Nandun din ang kasamahan nung kausap namin kaya kami ay nag-akalang makukuha agad ang tseke. Sa kasamaang palad, dinala raw nung kausap namin sa loob ng gusali ang tseke. Habang naghihintay, nakipagkwentuhan muna si Diwa dun sa kasama. Dahil napansin na rin nung kasama na para bang ang tagal nung kausap namin sa loob, pinuntahan na rin nya ito. Sa kanyang paglabas, aming napagtanto na ang tseke na syang aming kukunin ay nasa loob lang pala ng sasakyan. Nasayang pa ang ilang mahahalagang minuto sa pagkekwentuhan. Malapit na mag-2:30 nun.

Pang-apat na bulilyaso, U-turn sa Buendia.

Ang tseke na aming nakuha ay sa Ortigas naka-base ang account. Kung sa ibang branch ka kasi magpapa-encash, kailangan pa magbayad ng 150 pesos.

Mula Guadalupe. plano naming pumuntang Ortigas. Sinabi sa amin nung kasama ng aming kausap na may U-turn sa ilalim ng flyover. Sa aming muling pagbaybay sa EDSA, hindi namalayan ni Diwa ang U-turn. Napilitan tuloy kaming kumaliwa at pumasok sa Buendia at napagkasunduang sa main branch na lang magpa-encash sapagkat nagawa na rin naman ni Diwa ang ganung proseso dun at kakapusin na kami sa oras kung pipilitin pang tumungo sa Ortigas.

Panlimang bulilyaso, Equitable PCI Bank, Makati.

Maraming Equitable PCI Bank sa Makati ngunit ang aming tinungo ay ang nasa Makati Avenue. Sa aming pagkakaalam, ito ang main branch. Hindi pa kami nakakaparada, bumaba na kami ni Wigi at nagmamadaling pumunta sa bangko. Sa aming pagpasok, agad kaming pumila at nagpalipas ng oras sa pamamagitan ng pag-uusap tungkol sa Ghost in the Shell.

Dumating din sa wakas ang aming pagkakataon sa counter at agad ko namang nilabas ang tseke at dalawanag ID. Kami ay nagulantang nang sabihin sa aming hindi tinatanggap ang UP ID. Aking sinabi na sa ibang branch ay tinatanggap naman ang aking UP ID. Kinuha nya ang tseke at ang aking dalawang ID at pinakita sa kanilang officer. Muli, sinabing hindi tinatanggap ang UP ID. Napilitan kaming umatras ni Wigi.

Sandali kaming nagpulong at napag-usapan na subukan muli sa ibang counter. Pagkatapos ng ilang minuto, dumating muli ang pagkakataon at tatlo na kami ngayon sa counter. Nalaman nila na nasubukan na naming magpa-encash sa ibang counter at sinabing, “Hindi na tinanggap kanina, bakit nandito ka sa akin?”. Hindi sakto ang diyalogo pero ganun ang pagkakaintindi ko.

Bukod sa teller, may lalaki, na hindi ko alam kung anong papel dun sa bangko, pa syang kasama na aming pinagpapaliwanagan. Dalawa ang aming naging argumento. Una, tinatanggap naman sa ibang branch ang aking UP ID. Pangalawa, dalawang beses na nagpa-encash si Diwa sa branch na iyon gamit ang kanyang UP ID. Sinagot nila ang unang argumento sa pagsabing hindi tinatanggap sa branch na iyon ang hindi governement-issued na ID. Nakalimutan naming sabihin na ang UP ID ay government-issued dahil isang government institution ang UP. Ang sabi naman nila sa aming pangalawang argumento na officer na raw ang maaaring mag-approve kung papayagang ma-encash ang tseke na malaki ang halaga. Doble kasi ang halaga ng tseke na aming ipapa-encash kaysa sa napa-encash na ni Diwa dati.

Kahit hindi kami kuntento sa kanilang mga sagot, umalis na rin kami sapagkat magsasara na ang bangko.

Pang-anim na bulilyaso, EEE Building, UP Diliman.

Mula Makati, bumalik na lang kami ng UP upang subukang humabol sa lab na 2 oras na kaming huli. Nung malapit na kami sa EEE, natanaw na namin ang ibang kaklase na naglalakad pauwi at naisip na baka tapos na ang klase. Ngunit nagbakasakali pa rin kami. Umakyat sa gusali si Wigi at nag-txt na may mga tao pa doon. Nakausap din namin si Kyle at nasabi rin na may mga tao pa nga sa lab. Humabol kami ni Diwa sa lab ngunit sa kasamaang palad, hindi na kami binigyan ng papel para sa exercise.

Anim na bulilyaso sa isang araw. Dinaan na lang namin sa isaw na hindi pa namin naubos.


Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Boycott Equitable PCI Bank!
May diskriminasyon sa mga estudyanteng kumakayod!
Equitable PCI Bank.
Definitely NOT your bank of choice.
Tuesday, August 22, 2006 10:10:00 AM

XXXX YYYY said…
Pota… yun lang ang masasabi ko. Hindi mura yung pota, pota talaga… Waldemar, ikaw ba ay natulog nung araw na iyon?
Tuesday, August 22, 2006 4:43:00 PM

Waldemar Bautista said…
Lagi naman akong tulog.
Tuesday, August 22, 2006 11:37:00 PM