Sa Reviews ko sana ilalagay ang isusulat ko pero hindi ko naman talaga gagawan ng review ang librong ito kaya dito na lang.

Bukas ay ipapalabas na ang interpretasyon sa sine ng librong ito. Hindi ako gaanong napapahanga ng mga palabas sa sine na hango sa libro (gaya ng Harry Potter) kaya hindi ako gaanong umaasa na mabibigyang hustisya ng palabas sa sine ang libro. Gayunpaman, panonoorin ko pa rin ito.

Sa mga hindi nakakaalam (lahat kayo), ang Bridge to Terabithia ni Katherine Paterson ang pinakapaborito kong libro. Hindi sya matalinghaga at pambata sya pero napukaw nya ang aking damdamin at nahuli ang matagal ko nang pangarap na ibinaon ko na sa alaala at di na inaasahang matutupad pa.

Una kong nabasa ang Bridge to Terabithia nung ako ay nasa high school pa lamang. Pinahiram ako ng aking kaklase na sya ring nagmulat sa akin sa Harry Potter. Ilang beses ko na ring inulit ang libro na ito pero wala talaga syang kupas at patuloy pa rin akong napapamangha.

Kung gusto nyo malaman ang kwento, dalawa ang kopya ko ng librong ito. Papahiramin ko kayo kung gusto nyo.