Sa pagbubukas ng bagong liwayway, matatagpuan ang isang bobong mahirap na nakatanaw sa kawalan. Itong bobong mahirap na itago natin sa pangalang Borap ay pagod na sa kakaikot at naupo muna upang magpahinga. Sa kanyang pagtunganga, hindi nya maiwasang maalala ang mga naganap sa kanyang walang kalatoy-latoy na buhay.

Dalawang taon syang nagpagala-gala na walang katiyakan sa pupuntahan simula nung sya ay napadpad sa lugar na iyon. Paglalaro at pagkain lang ang kanyang inatupag kasama ang mga kapwa bobong mahirap. Sila ay walang pakialam sa mga kaganapan sa kanilang paligid at sa halip ay rumaraket sa isang pwesto. Sa loob ng dalawang taon na iyon ay para syang bata na hindi kilala ang sarili at walang pakialam sa iba. Mga katulad lang nya ang kanyang nakakasalamuha at natatakot syang mapagawi sa teritoryo ng mga matalinong mayaman.

Itong si Borap, sa kanyang pagpasok sa isang gusali sa kanyang pangatlong taon sa lugar na iyon, ay humanga sa isang dalagang nagsasalita sa entablado. Hindi nya maipaliwanag ang pakiramdam na dumapo sa kanya at patuloy na pinagmasdan ang dalaga. Simula nun, sinusundan nya na lagi ang dalaga. Hinahanap-hanap kahit saan sya magpunta. Natutuwa sya kapag sya ay napapansin at kinakausap. Ibang klaseng kaligayahan ang kanyang nadarama.

Sa kasamaang palad, mukhang umasa ng sobra itong si Borap. Inakala nya na kaibigan nya na ang dalaga. Napasobra tuloy ang kanyang pangungulit. Nagbago ang pagtrato sa kanya ng dalaga lalo na nung nalaman ng dalaga na gusto sya ni Borap. Kaya ayun, nalungkot si Borap. Ang matindi pa dyan ay hindi sa kanya nabatid ng dalaga na gusto sya ni Borap. Sa ibang tao pa nagmula ang impormasyon. Kawawa naman si Borap.

Dumating ang panahon na kinailangan na umalis ng dalaga sa lugar na iyon. Dapat paalis na rin si Borap kaso marami pa syang utang kaya hindi sya pinayagan. Medyo bumalik naman ang maayos na pagtingin ng dalaga kay Borap pero nagkaroon na ng kasama ang dalaga. Kawawang Borap. Hindi man lang nya namalayan na magkakaganun. Hindi man lang sya nakakilos. Hindi man lang sya nakalaban. Ganyan talaga kapag isang bobong mahirap.

Sa panlimang taon ni Borap sa lugar na iyon, dumami ang kanyang mga nakilala. Nilalapitan na rin sya ng ilang matalinong mayaman. Minsan isang araw, may lumapit sa kanyang isang binibini. Nagtatanong at nagpapaturo sa mga bagay-bagay. Natanaw na ni Borap ang binibini na ito dati pa ngunit hindi nya kinakausap dahil wala naman sya sasabihin. Ang pagtatanong na iyon ay humantong sa madalas na pag-uusap. Usapang minsan ay masaya at minsan naman ay malungkot.

Unti-unting napapawi ang kalungkutan ni Borap dahil sa paglisan ng dalaga. Parang naging gabay ni Borap ang binibini palabas ng isang daanan na ang pangalan ay kalungkutan. Ngunit kahit ganun, naging maingat na si Borap. Hindi na sya gaano nagbubukas ng damdamin. Ayaw nya magbago ang tingin sa kanya ng binibini. Isa pa, sinusubukan na lang nya tulungan ang binibini sa kanyang mga problema. Nais nyang maging masaya ang binibini. Di bale na ang pansariling kaligayahan.

Ngayon sa kanyang pag-upo, naisulat nya ito. Nananalangin na huwag muna maputol ang linya ng pag-uusap sa kanila ng binibini. Masaya sya kapag nagkakausap sila. Masaya sya kapag nginingitian sya ng binibini. Napapayapa ang kanyang kalooban kapag magkasama sila. Kahit minsan, sana ay pagbigyan ng tadhana si Borap. Sana nga, Borap.


Diwa del Mundo said…
Mabuhay ang mga Borap! bwahahahaha
Tuesday, September 19, 2006 3:55:00 PM

XXXX YYYY said…
Mabuhay!
Tuesday, September 19, 2006 7:21:00 PM

Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Borap, you rock!
Wednesday, September 20, 2006 8:57:00 AM