Nitong nakaraang Lunes ay ang huling pagsusulit ko sa aking Walking for Fitness na klase. Simple lang naman ang pagsusulit na ito. Hindi na kailangang mag-aral pa. Ang gagawin lang naman ay bababa sa Balara papuntang Tumana tapos babaybayin ang kahabaan ng ilog hanggang sa makarating sa Riverbanks. Humigit-kumulang na 18 kilometro ito.

Mga 30 minuto bago ang takdang oras ng paglalakad ay nasa tagpuan na ako. May mga pagkakataon kasi na hindi ako nakakaabot o kaya ay nahuhuli ng dating dahil huli na ako pinapalabas sa klase ko bago nito. Mabuti na lang at wala na akong klase dun kaya napaaga ang pagpunta ko.

Bago magsimula ay pinasulat ang mga pangalan ng mga maglalakad. Iba’t-ibang uri ng tao ang mga kasali at hindi lang ang klase ko. Ang iba kong mga kaklase ay nauna na maglakad nung Biyernes kaya kaunti lang kami. Makalipas pa ang ilang sandali ay tumulak na rin kami sa unang yugto ng biyahe. Ito ay ang pagbaba sa Balara.

Walang kakaibang pangyayari ang naganap sa aming paglalakad sa Balara. Kahit ang pagbaba sa “Bituka ng Manok”, ito ay yung kalsada na nagdudugtong sa mababa at mataas na lupain, ay normal lang. Siguro ay dahil sanay na rin akong makita ito kaya walang nakakapanibago. Ang hinahanap kong kakaibang pangyayari ay dumating nung nasa loob na kami ng Loyola Grand Villas. Ang ambon na aming naranasan sa Balara ay unti-unting lumakas hanggang sa kami ay paliguan nito. Nung ito ay humupa ng kaunti ay tumigil muna kami nang sandali.

Sa muling paglakas ng ulan ay tumulak na kami papuntang tulay. Hindi na namin ito tinawid at sa halip ay dumaan kami sa ginagawang subdivision sa paanan nito upang matunton ang tabing-ilog. Sa paglalakad sa tabing-ilog ay wala na uling kakaibang pangyayari at unti-unti na ring tumila ang ulan. Ilang minuto pa ay nasa pangalawang tulay na pala kami. Napalipas ko ang minuto sa pagtingin-tingin lang sa kapaligiran.

Tumigil kami sandali sa may ilalim ng tulay upang magpahinga. Makalipas ang ilang minuto ay lumakad na uli kami. Dumating kami sa may parang museleyo at tumigil panandali upang paunahin ang tail. Mula dun ay dadaanan na namin ang mga ahas. Ang mga ahas ay peke lamang at kabilang sila sa tinatawag na “Animal Trail”. Pero bago dumating sa trail, kapansin-pansin ang mga display ng iba’t-ibang baranggay ng Marikina. Ang mga display ay para sa nakaraaang pasko.

Tahimik na ang paligid nung kami ay nasa trail. Marahil ay pagod na rin ang mga tao. Matapos madaanan ang iba’t-ibang hayop ay dumating na rin kami sa Riverbanks. Wala pa rin itong pagbabago kumpara nung huli akong napagawi dito. Kahit sa Marikina ako nakatira ay hindi ako napupunta sa Riverbanks. Taong-bahay lang kasi ako.

Nung kumpleto na kami sa Riverbanks at walang nakagat ng ahas, nagtawag lang ng pangalan at maaari na kaming umuwi. Ito na ang huling klase namin.

Bilang pagtatapos, masasabi ko na masaya ang P.E. na ito. Minsan lang sa buhay ng tao na mabigyan ng marka dahil sa paglalakad ng masaya.


Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Sa aking obserbasyon, nasusubok ang pasensya ng isang tao sa paglalakad.
Thursday, March 22, 2007 6:22:00 PM

megan dino said…
Aba. Muntik akong magkaron ng PE na Walking dati e. Bute na lang hindi natuloy kasi kumusta naman ang environment ng UP Manila - sentro ng polusyon! Waha!
Thursday, March 22, 2007 6:48:00 PM