Kahapon, Sabado, Setyembre 9, 2006, ay nagkaroon ng pagdiriwang ang aming samahan sapagkat isang taon na kaming may sariling opisina. Nakakatuwa at nagawa naming tumagal sa gusali na iyon. Ibang klaseng kasiyahan talaga.

Taong 2003 nung unang nabuo ang ideya na magtayo kami ng isang kumpanya. Habang kumakain sa Red Ribbon sa Katipunan at bangag sa Math 54, nailabas namin ang aming kagustuhang magkaroon ng isang kumpanya. Pauwi na kami nang napagkasunduan ang ipapangalan sa kumpanya.

Pagkalipas ng gabi na iyon, naging abala na kami sa ibang bagay at nagkasama-sama na lang uli nung bakasyon ng 2004. Sinubukan naming magbukas na ng opisina ngunit dahil sa kalayuan sa UP e napigilan kami at sa halip ay naki-opisina sa isa pang opisina.

Dumating ang pasukan ng 2004 ngunit tuloy pa rin kami. Nag-iisip kami ng ilang ideya na maaring pagkakitaan gaya ng web hosting, web design, web development, at iba pa. Pati office tutorial at Linux installation at training ay pinatulan na namin.

Disyembre 2004 nung, sa wakas, kami ay nagkaroon ng isang proyekto. Ito ang naging “breakthrough” namin. Pagkatapos nito ay dumating ang ilang maliit na proyekto na umabot hanggang bakasyon. Sa mga panahong ito ay lumipat ng opisina ang aming pinaglalagian kaya nasama kami.

Pasukan ng 2005 nung dumating ang aming pinakamalaking proyekto. Ito rin ang dahilan at nagawa naming magkaroon ng sariling opsina. Sa pagkakaroon namin ng opsina nung Setyembre 2005, nagsidatingan ang iba pang mga proyekto. Unti-unti naming nagagamay ang pagtatayo ng isang kumpanya.

Nagpapasalamat ako sa mga taong naging bahagi o bahagi pa rin ng isang pangarap na abot-kamay na. Ang mga nakasalamuha sa hirap at sa ginhawa. Sila ay sina:

  • Alvin
  • Ardee
  • Dean
  • Diwa
  • Gabby
  • Gem
  • Jofell
  • Marte
  • Mosh
  • Karl
  • Kleng
  • Kyle
  • Linda
  • Pio
  • Red
  • VT
  • Waldemar (ako ito!)
  • Wigi

Isang taon na kaming may opsina. Nawa’y magpatuloy-tuloy na ito.


vanie castro said…
congrats sa hypermedia! mapalad ko at nakilala at naging kaibigan ko ang iba sa inyo. :) hangad ko ang tagumpay ng kumpanya! :D
Sunday, September 10, 2006 11:00:00 PM

XXXX YYYY said…
Huhuhu… singhot
Monday, September 11, 2006 8:11:00 AM