Kanina, habang kumakain ako ng Crispy Chicken Strips ng Jollibee ay sumagi ka sa isipan ko. At sa tuwing napapagawi ka sa aking kamalayan, naaalala ko ang mga pangyayari sa buhay ko na kinasangkutan mo. Natanong ko tuloy sa sarili ko ang hindi ko man lang natanong sa iyo. Ano kayang tingin mo sa akin?

Ang pagkakaalam ko ang unang tingin mo sa akin ay isa akong sabog na tao. Nakilala mo kasi ako nung mga panahong ako ay naka-“gupit-waldemar”, ani nga ni Ardee, at laging tulog sa klase. Bukod pa dun, di ako gaano umiimik at mahirap kausapin. Lagi pang namumula ang mga mata ko.

Nung nagkakausap na tayo, nagbago ba ang tingin mo sa akin? Ang pagbanggit mo ba na wirdo ako ay pabiro lang o may halong katotohanan? Alam ko meron. Ok lang naman at hindi ako tinatamaan. Tinuturing ko pa nga iyon bilang isang papuri. Ibig sabihin kasi nun, hindi ako katulad ng nakararami. Kahit papaano, may nagbubukod sa akin sa kanila.

Napilitan ka lang bang magsalita nung nasa McDo tayo? O bukas sa loob mo ang pagbabahagi ng iyong buhay? Isa sa pinakamasayang tagpo sa buhay ko ang gabing iyon. Kahit minsan, pakiramdam ko ay bida ako. Wala akong kaagaw sa atensyon mo. Tayong dalawa sa eksenang iyon at extra na lang ang lahat.

Nakukulitan ka ba sa pag-pm-pm ko? Kahit hindi mo sabihin sa tingin ko ay oo. Maraming pagkakataon na hindi ka tumutugon sa mga panggugulo ko. Maraming pagkakataon na online ka pero hindi mo natatanggap mga mensahe ko. Sadya man o hindi, hindi naging magandang tanghalan ang internet sa pag-uusap natin.

Magkaibigan ba tayo? Hindi. Nabanggit ko yan sa iyo nung nabitin ang ating pag-uusap sa labas ng Blue Skies. Magkakilala? Siguro. Akala ko rin dati na magkaibigan tayo pero napagtanto ko na hindi.

Hindi ka naman sa akin lumalapit kapag may problema ka. Hindi naman tayo magkasama kapag bakante ka. Hindi mo nga ako kakausapin kung hindi pa kita pipilitin. Nag-uusap lang tayo kapag niyayaya kita.

Ngayon, hindi na kita niyayayang mag-usap. Tumigil na rin ako sa pag-pm sa iyo. Gagampanan ko na lang ang aking papel. Hindi na ako magtatangkang maging bida. Paghuhusayan ko na lang ang aking pagiging extra. Isang extra na kapag kailangang may batukan ang bida ay babatukan. Kapag kailangang may utusan, uutusan. Kapag may kailangang iyakan, iiyakan. Tatahimik na lang ako dito sa tabi. Ganyan naman talaga ang mga extra. Natatakpan ng anino ng bida.

Ako ang extra sa buhay mo. At tulad ng lahat ng mga extra, may mga panahong kailangan kong mawala sa eksena. Gaya ngayon na wala ako sa pinapalabas na bahagi ng pelikulang tampok ang buhay mo.


XXXX YYYY said…
Huhuhu…
Friday, August 18, 2006 1:17:00 AM

Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Magsulat ka na ng nobela, baka manalo ka ng Palanca Award.
Kapag hindi, bigyan ka na lang namin ni VT ng Palaka Award.
Friday, March 09, 2007 9:57:00 PM