Nais ko lang isulat ito at bigla kong naalala. Nawa’y hindi na ito mawala sa aking kamalayan sapagkat dahil dito, alam ko na kahit papaano ay napansin mo rin pala ako.

Patapos na ang exam sa 133, hindi ko na maalala kung finals ba iyon o hindi, at tayong dalawa na lang ang natitira sa loob ng Eng’g Theater. Tumayo ka na para ipasa ang iyong papel kay Ma’am Becca. Nakaupo ka nun sa bandang gitna sa kanang bahagi ng theater kapag nakaharap sa may pintuan at nakatalikod sa stage. Ako naman ay nakaupo sa baba at kaliwang bahagi. Nilapitan ako ni Ma’am Becca nung mga panahon na iyon para ibalik ang aking ulirat na nawala na yata dahil sa pagtitig ko sa kisame. Tumayo na rin ako para ipasa ang aking papel. Tuloy-tuloy lang ako sa pagpanhik ng theater at agad na ipinasa ang aking papel kay Ma’am at lumabas na. Hindi ko na nagawang pansinin ka dahil sobrang wala ako sa sarili nun at sadyang may takot ako na baka hindi mo suklian ang pagpansin ko sa iyo.

Muli kitang nakita sa labas ng department nung ako ay pauwi na. Nagkataon na sa hagdan sa dulo ng Eng’g ako bumaba at kinakailangan kong dumaan sa corridor ng department para makalabas dahil gabi na nun at yung pintuan na lang sa likod ang bukas. Hindi pa rin kita pinansin dahil tuliro pa ako at alam ko namang hindi mo naman kailangan ang pagpansin ko. Isa pa, may kausap ka nung panahon na iyon.

Napadpad na ako sa tapat ng waiting shed sa may Molave at may nakitang mga kakilala. Nakitayo muna ako sa kanila habang pinagtatalunan nila kung paano sila pupuntang JRDC. Nagtext ako sa isang kakilala natin at tinanong ko kung bakit hindi ka namamansin. Hindi ako sigurado kung nun mismo ako nagtext o bago pa nun pero sigurado ako na nagtext ako. At alam mo ang sinagot nya? “Ganyan din ang sabi sa akin ni <pangalan mo>.”

Ako ay sadyang nagulantang sa text na iyon. Ni minsan ay hindi ko pinangarap na may magtatanong kung bakit hindi ako namamansin. At eto pa. Nung mga panahon na nabasa ko ang text at pinagninilayan ang kahulugan nito, bigla ka na lang sumulpot at tumawid sa kabilang kalsada at sumakay ng UP-Pantranco na jeep. Bakit ba hindi rin ako tumawid at sumakay sa jeep na iyon?

Matapos ang ilang buwan (ang pagkakatanda ko ay ilang buwan nga), muli nating nahalungkat ang exam na ito sa 133. Nasabi mo sa akin na nakita mo na akong bangag. At iyon ay nung nage-exam tayo. Matagal-tagal din akong nakaupo at nakahawak sa ballpen sa aktong pagsulat at nakatitig sa kawalan. Hindi ko akalain na napansin mo yun. Ang buong akala ko ay may tinatanong ka lang kay Ma’am Becca nung tumayo ka at lumapit sa kanya. Hindi ko matandaan na tumingin ka sa akin.

Salamat sa alaala. Sumaya-saya ako nung naalala ko ito. At sana, kahit papaano, kapag nabasa mo ito ay maalala mo rin ang mga pangyayari nun. Iyon ay kung mababasa mo ito. Maraming salamat muli.


RJ Arce said…
Hanep.
Love, soft as an easy chair. (STUPID!)
Haha.
Tuesday, October 16, 2007 11:14:00 AM

Waldemar Bautista said…
Love, fresh as the morning air. (STUPID!)
HIndi ba dapat ay nasa unahan ang stupid? Hehe.
Tuesday, October 16, 2007 7:44:00 PM

Josiah Habana said…
stupid nga e. hayaan mo na.
Tuesday, October 16, 2007 9:07:00 PM

Waldemar Bautista said…
Oo nga naman. Ang stupid ko talaga.
Tuesday, October 16, 2007 9:36:00 PM