Gustong-gusto ko talaga na nakakausap ka. Masaya ka kasi kausap e. Maraming kwento ang iyong mga mata. Tapos kapag ngumiti ka, ay nako, natutunaw ako. Kahit nga hindi kita nakakausap minsan ay nagsasalita na lang ako mag-isa at nangangarap na marinig mo ang mga sinasabi ko. Naririnig ko naman ang mga tugon mo kaya huwag kang mag-alala kahit malayo ka pa.

Kapag naglalakad ako o kaya ay nakasakay sa dyip o kaya ay may kausap o di kaya ay nag-iisa o kahit ano pa ang aking ginagawa o kahit saan pa ako dalhin ng aking mga paa, madalas akong mag-isip ng mga bagay-bagay na sasabihin sa iyo kapag dumating na ang panahon na nasa harap kita at tayo ay muling nag-uusap. At hindi lang iyon. Oo, hindi lang iyon. May ilang mga bagay na rin akong nais ibigay sa iyo pero hanggang ngayon ay nasa akin pa rin. Wala akong mahanap na kahit katiting na tapang upang puntahan ka at iabot sa iyo ang mga mumunting bagay na aking nais ihandog.

Madalang na mangyari pero pinagbibigyan ako minsan ng tadhana at pinaghaharap tayo. At kapag nasa harap na kita magtatanong ka ng “Kamusta ka?”. At ako si tanga na sasagot ng “Ok lang”. Pero syempre hindi ako “ok” ano ka ba? Hindi mo man lang ba nararamdaman na may nais akong sabihin. Gusto ko nga isigaw na “Mahal kita” e. Sa totoo lang, matagal na ito. Bago mo pa ako unang kinausap sa silid-aklatan. Bago ka pa nagtanong kung totoong may gusto ako sa kaibigan mo noong Stat 130 natin.

Dati madalas tayong magkausap online. Nagkakausap rin tayo ng personal. Pero mula nang matunugan mo na may gusto ako sa iyo, nagbago na ang lahat. Nagkausap na lang muli tayo ng masinsinan nung sumali ka sa binubuo naming kumpanya. Sandali lang iyon pero kay saya bawat minuto. Ngunit ikaw ay lumisan at biglang naputol ang linya ng pag-uusap sa ating dalawa. Sobrang naging abala ka sa iyong mga gawain samantalang ako ay naghihintay lamang.

At ayun, bigla ka na lang nagkaroon ng kasama. Kaibigan, kakwentuhan, karamay, kasintahan? Hindi ko namalayan ang pagbabago sa iyong buhay. Hindi ko na nasabi ang dating-dati ko pang gustong sabihin. Hindi ko alam ang aking gagawin nung ipakilala mo sya sa akin. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman habang magkahawak-kamay kayo sa harap ko. Hahaha. Nakakatawa ang aking kahinaan.

Oo, ako si tanga dahil hanggang ngayon umaasa pa rin ako. Pero di gaya dati, magsasalita na ako ngayon. Magkaroon lang sana ako ng isa pang pagkakataon.


Diwa del Mundo said…
Si Papa Wally tagal makalimot! Dami ka namang gels eh!
Friday, June 23, 2006 9:03:00 PM

Wigi Vei ウィジヴェイ said…
Sali kayo sa Sawi sa Pag-ibig club ko!
Saturday, June 24, 2006 10:01:00 AM

XXXX YYYY said…
graba naman…
Saturday, June 24, 2006 1:21:00 PM

Waldemar Bautista said…
Mahirap makalimot.
Saturday, July 22, 2006 4:03:00 AM