Nag-umpisa ang lahat sa iyong pagtatanong ng ilang bagay tungkol sa ating aralin sa CS 131 o Numerical Methods. Hindi ko na matandaan ang ginagawa ko nun pero ang alam ko ay nagulat ako nang biglang nakita ko ang iyong pangalan sa pag-notify ng Gaim sa akin na may bago akong mensaheng natanggap.

Nagulat talaga ako kasi pinansin mo ako. Bagamat hindi iyon ang unang pagkakataon na nag-usap tayo, ang alam ko ay hindi naman tayo magkakilala at hindi rin naman tayo nag-uusap kaya hindi ko kailanman inasahan na mamamansin ka.

Sa iyong pagbanggit na tungkol sa 131 ang iyong itatanong, sadyang bigla akong kinabahan. Malay ko ba kung masasagot ko ang tanong mo. Hindi mo yata alam pero nasa kabilang dulo ako sa hanay ng mga matatalino. Mabuti na lang at kaya kong sagutin ang tanong mo kaya medyo napahaba ang ating usapan na ikinatuwa ko naman kahit hindi mo alam.

Pagkatapos ng tagpong iyon, nag-uusap na tayo lagi sa tuwing online tayong dalawa. Minsan seryoso, minsan hindi pero masaya lagi sapagkat napaka-natural ang daloy ng usapan. Hindi na nga ako humihinto sa pagta-type upang mag-isip dahil nagagawa mong maging palagay ang loob ko sa iyo at napapasabi mo ang mga gusto ko talangang sabihin.

Sabi ko nung una, hindi ko hahayaan ang sarili ko na umasa na makakausap kita lagi ngunit anong magagawa ko? Araw-araw tayong nakapag-usap nung isang linggo kaya eto, mukhang adik na ako sa iyo.

Wala na. Hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Lagi na kitang inaabangan. Pero asan ka? Bigla kang nawala. Sabi na at mangyayari ito. Napag-usapan na rin natin ito. Sabi mo pa nga na mahirap akong maka-chat dahil sa ganito kong ugali. Huwag kang mag-alala. Unti-unti na akong natututo. Bagamat mabagal at matagal, darating din ako sa punto na iyon.

Natanong ko na sa iyo at madalas ko rin isipin kung bakit tayo nag-uusap. Sa ngayon, wala pa ang kasagutang aking hinahanap. Pasensya ka na kung nagkakaganito ako pero sakto kasi ang pagdating mo sa buhay ko. Dumating ka sa panahong ako ay nangangailangan ng kausap. Panahon din na ako ay nangungulila. Panahon na gustung-gusto ko syang makita, makasama, at makausap pero hindi ko magawa.

Kanina hinihintay kitang mag-online. Pero di gaya nitong mga nakaraang araw, paminsan-minsan ko na lang tinitignan kung online ka. Siguro ay unti-unti na rin nagagamot ang pagnanais ng aking sarili na makausap ka. Sana nga lang ay hindi bumalik sa panahon na natatakot ako sa aking mga bibitawang salita sa iyo.

Nais kong linawin na wala akong gusto sa iyo. Kung magkakaroon man, ayaw kong isipin. Nakaka-miss ka pala.


XXXX YYYY said…
papalicious wali sawi na naman….
Sunday, July 30, 2006 2:05:00 PM

XXXX YYYY said…
Huuhuuhuu…
Friday, August 18, 2006 1:17:00 AM